Manuel L. Yturriaga is the pen name of Eduard P. Labadia, a graphic artist who lives in Jersey City, New Jersey. He is engaged in fine arts serigraphy, a silk-screen printing on canvas and paper surfaces the original works of contemporary American and European artists. He  took up commercial design at the UP College of Fine Arts in the late 60's. He is 54.


Paano Mo Ba Susuungin?
Manuel L. Yturriaga <E-mail the author>

Mahabang panahon ang binilang na mga taon,
Mula nang isang hapo'y dumaan si Ka Simeon;
Tumanda't namayapa na ang karterong yaon..
Siya ang nagabot ng naantalang pitisyon.

Laking tuwa niya nang binubuksan ang liham,
Sumungaw ang mga ngiting nanaginip nang gising,
Lutang ang puso't diwa sa dagat ng ambisyon,
Sumibol ang binhing ipinunla ng kahapon.

Pakikipagsapalara'y tumawid ng dagat,
Kabuwanan ng Abril, ang hangin ay habagat,
Di' malirip na damdamin, buradong paningin...
Tumambad sa kanya ang Kanluraning Lupain.

Nakipagpaligsahang makamtan ang pangarap,
Sa mga kapwa dayuhang ganuon din ang hanap,
Hindi nakalimot... kulay niya'y kayumanggi, 
Taas-nuong kinatawanan ang kanyang lahi.

Pangungulila'y minsang lumukob sa isipan,
Ang malayong tingin ay napagawing Silangan, 
Gumuhit sa ulap ang mukha ng Inang Bayan,
Humayo't Pasipiko ay kanyang dinaanan. 

Nilingo't hinanap ang mataginting halakhak..
Ng tatlumpu't tatlong taong tinakpan ng ulap,
Matamis na ngiting samyo niya sa pangarap,
Sa maligamgam na dagat muli niyang nayakap.

Nagkabalikang pagtingin, nagising na pagibig..
Handang buwagin kahit pinagbuklod ng Langit.... 
May masasaktan, magdurugo't masusugatan,
Pagkahumaling.. paano mo ba susuungin..?

Pambihirang Pinoy

Kahit saan mang dako, Kababayan nati'y daling makilala,
Sa pintuan ng mga bahay nila'y may larawan ng karitela;
Nakapalamuting pampasadang dyip , sa tanso'y hinulma,
Palibot ay bulaklakan, may imaheng Sto. Nino sa asotea.

Mga langkay ng plastik na saging, sa harapan nakasabit,
Bandang tapalodo't likuran nakadikit ang bandilang maliit.
Kotse niya'y Nissan, Honda't Toyota, mga yaring Hapones...
Sa maykaya'y nangingislap na BMW, Jaguar at Mercedez. 

Walang pagtigil ang pagdaloy ng Kabayan sa Amerika,
Ito'y panghabambuhay na pinapangarap upang lumigaya...
Nakakainggit silang Balikbayan kung umuwi't bumisita,
Pasalubong ay alak, damit, tsokolate't mga luntiang pera.

Lubos-kagalakan kung "American Citizenship" ay makamit,
Para bang ang pagkatao niya'y umangat, pataas ang pihit,
Tuwing harap sa salamin, pangos niyang ilong pilit na iniipit,
Habang ini-ensayo'y balubaluktot niyang pag-i-Ingles-ingles.

Kabataa'y kay daling makalimot..... nagpapalit ng balahibo,
Pananalita'y garapalan, punto'y ginagaya ang dilang Negro,
Magkakasya ang dalawang tao sa kamisetang suot niya,
Luyloy na pantalon, sakong nito'y sasayad na sa baldosa.

Si Tibo'y tubong-Norte, dating nangungutsero ng isang kalesa,
Dumating na kasama ang buong mag-anak sa South Carolina,
Unang pasok ng "highway", minamaneho'y trak pangbasura,
Akala'y "speed limit" ang "Inter-state 90", humirit ng nubenta !

Kadalasa'y biktima siya ng walang pakundangang pagbibiro,
Ng taas-astang Puting Matsing, pati na ng kanyang kabaro,
Subalit ang pagpapakumbaba'y lubos na dulot ng kalikasan,
Siya'y kahangahanga, isang halimbawang mahirap matularan. 

Pambihira ang Pinoy, kahit saang lupalop siya mapapunta,
Mga katangian niyang katutubo'y magagawan ng karikatura,
Katangitanging kilos, hiwalay sa nag-uumpukang pulutong,
'Tapikin at batiin mo si "Kabayan", ngingitian ka't lilingunin.
 
 
Back to Cover
 Next